top of page

Superunli25

  • jamiedelosreyes
  • Mar 22, 2015
  • 2 min read

"Kahit kailan ay hindi ko napag-aralan kung pano tapusin ang bawat usapan kapag ikaw ang kasama."

unsplash_525f012329589_1.jpg

Labindalawang

Labindalawang minuto kada tawag.

Paulit ulit na pinipindot ang berdeng simbolo ng telepono sa tuwing natatapos ang naunang labindalawang minuto. Ilang beses ding naputol ang usapan, at ilang beses din kita muling tinawagan. Hindi umaabot ng tatlong segundo bago mo sagutin ang tawag ko, at hindi rin natatagalan bago ako bumalik sa linya mo.

Namiss ko ata masyado ang ganun kadaling kwentuhan at tawanan.

Yung tipo ng usapan na atin lamang.

"Anong sinabi mo? Ulit. Ano yun?"

Malabo ang dating ng boses mo mula sa mga milya na naghihiwalay sa atin. Parang may nakaharang, pero komportable pa din makalipas ang dalawang buwan noong huli tayong nagpaalam. Pamilyar. Madali. Delikado.

Kinuwento mo kung paano nya tinanggap ang inihain mong paalam. Parang pelikula. Lumabas ka ng kotse at dinala ang mapait nyang oo habang naglalakad ka sa bagyo.

Kinuwento ko kung paano nya ako napapasaya, at hindi ko matapos tapos ang istorya dahil ilang beses din akong tumigil upang humingi ng patawad. Paumanhin sa mga bagay na hindi ko nagawa para sa atin. Paumanhin sa mga hiningi mong inaalay ko na ngayon sa iba.

"Gusto mo maging friends ulit sa Facebook?"

"Hindi pa siguro ngayon. Unstable pa ako. Kilala mo naman tayo. Baka makasakit lang tayo ng iba," sagot mo.

Labindalawang minuto muli ang binigay sa akin ng tumawag ako sayo, ngunit dalawa nalang ang kinuha ko.

"Napagod ka siguro sa trabaho ngayong araw. Pahinga ka na."

Kahit kailan ay hindi ko napag-aralan kung pano tapusin ang bawat usapan kapag ikaw ang kasama. Wala naman tayong madalas sinasabi pero parang ayaw nang tumigil pa. Mabibilang ko lang sa mga daliri ng isang kamay ang mga taong nakakatagal akong kausap. Isa sa mga daliring iyon ay kailangang itiklop na.

"Bye. Goodnight. Salamat."

"Hindi. Salamat sayo. Namiss kita ng sobra."

Pinili kong sumagot sa pamamagitan ng pagpindot sa pulang simbolo ng telepono. Tapos na. Delikado kapag itinuloy pa, katulad ng pagbukas sa masalimuot na kahon ni Pandora.

by Jamie Delos Reyes


 
 
 

Comentários


Recent Posts
Find Words By Month
Find Words By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

Found Words © 2015. All Rights Reserved.

bottom of page